Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang mga ulat hinggil sa pagkawala ng may 10 sabungero na may mahigit isang linggo nang pinaghahanap.
Sa pulong balitaan kanina sa Kampo Crame, sinabi ni PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos na inatasan na niya ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para tutukan ang kaso.
Aminado si Carlos na palaisipan pa sa kanila ngayon kung may kaugnayan ang pagkawala ng mga sabungero sa mga lugar ng Maynila at Laguna kaya’t inaalam nila kung may pattern na dapat sundin dito.
Inaalam na rin ng PNP Chief sa CIDG kung mayruong mga kaparehong kaso ng mga nawawalang sabungero sa mga nakalipas na panahon dahil mahalagang matukoy aniya ang kuneksyon ng mga ito.
Una nang lumutang ang anggulo ng laglagan sa laban o game fixing na siyang ugat ng pagkawala ng mga sabungero o dahil sa pagkabaon sa utang mula sa tinatawag na loan sharks sa loob ng sabungan. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)