Pasok na rin sa A4 priority category para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine ang mga manggagawang nakapailalim sa work from home arrangement.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, marami kasi sa mga industriya at kumpaniya ang nagpatupad ng gayung uri ng arrangement bunsoad ng COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng A4 prioritization, papayagan nang maturukan ng bakuna kontra COVID-19 ang mga manggagawang nasa pribado o pampublikong sektor na lumalabas ng bahay para magtrabaho.
Kaya isasali na rin sila sa mga mauunang mabakunahan upang unti-unti nang maibalik sa normal ang working arrangement kasunod ng inaasahang pagkakamit ng population protection ng bansa.