Nagtataka si Justice Secretary Vitaliano Aguirre kung bakit nakalabas sa publiko ang impormasyon hinggil sa pagiging state witness ni Janet Lim Napoles kaugnay ng pork barrel fund scam case.
Sinabi sa DWIZ ni Aguirre na confidential in nature sa ilalim ng Republic Act 6981 o ang Witness Protection, Security and Benefit Act ang naturang impormasyon hangga’t wala itong basbas mula sa kalihim ng DOJ.
Magugunitang nilinaw ni Aguirre na maaaring maging state witness ang isang akusado kung hindi siya ang most guilty sa kaso.
“Hindi ko po masasagot yan at yan nga po, diyan natin titingnan kung itong si Janet Napoles is qualified or not. Pag kinunan ng affidavit yan at pag nagkaroon sila ng memeorandum of agreement, yan po ang mga tanong na itatanong sa kanya. Meron bang kadahilanan? Kung meron justification na maipapakita, then ico-consider po yan ng witness protection program. But as of now, very pre-mature at nagtaka nga po ako kung bakit ito ay nag leak na naman.”
Kasunod nito, tiniyak ni Aguirre na wala pang epekto sa mga nakabinbing kaso sa ombudsman laban sa mga pulitikong itinuturong nakinabang sa PDAF scam ang hakbang na ito ng gobyerno na gawing state witness sa kaso si Napoles.
“Kung ilagay man po natin si Janet Napoles under the witness protection program, wala pong epekto yan dun sa mga cases niya sa ombudsman, hindi po makakaapekto yan ng kahit ano man, wala pong ka effect-effect yan. Kaya kung siya ay patuloy na mag aapply sa witness protection program, doon lamang po ito magiging applicable. Pero as of this moment, hindi pa po natin masasabi yan sapagkat hindi pa po nagsa-submit ng affidavit si Janet Lim Napoles doon sa maraming mga dapat akusahan dito sa PDAF.”