Kinontra ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang naging pahayag ni Anti- Drug czar Vice President Leni Robredo na nagmula ng China ang mga iligal na droga na pumapasok Pilipinas.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, galing sa Golden Triangle drug syndicate na nag-ooperate sa border ng Myanmar, Laos, at Cambodia ang mga shabu na ipinupuslit sa bansa.
Aniya, 2018 nang magkaroon ng geographical shift ang pinanggagalingan ng iligal na droga sa bansa mula China patungong Golden Triangle na siyang naging pinakamalaking distributor ng drugs sa South East Asia.
Dagdag ni Aquino, karamihan din ng mga nasabat na shabu sa bansa kamakailan ay naka-packed sa Chinese tea bags na trademark naman ng Golden Triangle para malinlang ang mga otoridad sa pinagmulan nito.
Iginiit pa ni Aquino, napipilitan na rin mag-outsource o kumuha sa ibang production ang mga sindikato ng iligal na droga dahil sa mas pinahigpit na batas kontra iligal na droga sa China.