Hindi kokontrahin ng Malakaniyang ang ikinakasang serye ng mga kilos protesta ng mga kabataan laban sa Administrasyong Duterte sa Pebrero 23.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sang ayon naman sa batas ang isasagawang mga pagkilos ng mga kabataan kayat walang dahilan para pigilan nila ang mga ito.
Bilang isang demokratikong bansa ang Pilipinas, may karapatan ang bawat isa na maghayag ng kanilang mga saloobin gayundin ang mga hinaing sa gubyerno maging pabor o kontra man ang mga iyon.
Subalit umaasa ang Palasyo na hindi tatakas o di kaya’y liliban sa kanilang klase ang mga estudyante na makikiisa sa nakakasa nang mga demonstrasyon.
Kasunod nito, inatasan ng Malakaniyang ang lahat ng law enforcement agencies na tiyaking maayos, ligtas at mapayapa ang mga ilulunsad na mga kilos protesta ng mga kabataan.
Ulat ni DWIZ Patrol Reporter Jopel Pelenio
Posted by: Robert Eugenio