Isinasailalim na sa psychological counselling ng PNP ang dalawampu’t pitong (27) iba pang pulis na nakaligtas sa nangyaring ‘misencounter’ sa Sta. Rita, Samar noong isang linggo.
Ayon iyan kay Police Regional Office 8 Spokesman Supt. Gerardo Avengoza sa layuning matiyak na nasa ligtas at maayos na kaisipan ang mga naturang pulis sa pagbalik nila sa serbisyo.
Bagama’t aminado si Avengoza na bumaba ang morale ng buong PNP sa Region 8 dahil sa pangyayari subalit tiniyak nito ang tulong pinansyal mula sa pamunuan ng PNP at kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Nauunawaan din ng opisyal ang sentimiyento ng mga pulis sa kanilang nasasakupan subalit umapela ito na iwasan nang isapubliko pa iyon gamit ang social media upang hindi maka-impluwensya sa resulta ng pagsisiyasat.
Pero ayon kay Police Director Rolando Felix, pinuno ng binuong Board of Inquiry sa panig ng PNP, isinasapinal pa nila ang resulta ng imbestigasyon at ito’y kanila pang isasangguni sa kanilang counterpart sa AFP.
—-