Dapat matukoy kung saan dinala at ano ang gagawin ng teroristang grupo na Maute – ISIS sa dalawang bilyong piso na kanilang kinulimbat sa Marawi City, Lanao del Sur.
Ayon kay Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, mahalagang gawin ng gobyerno ang lahat ng paraan upang hindi magamit ng Maute ang naturang halaga para maghasik ng karahasan tulad ng pambobomba.
Iginiit ni Recto na dapat gamitin ang intelligence fund upang matukoy ang paggagamitan at pagdadalhan ng pera.
Kung mayroon aniyang bahagi nito ang ipinasok sa bangko ay dapat magpatupad ng protocol sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act para maiwasan na mapaikot ito bilang clean money.
Ipinunto ng senador na mahihinto lamang ang terorismo sa pamamagitan ng pagpigil sa ginagamit na pondo ng grupong Maute.
Samantala, inihayag naman ni Senate Committee on Banks Francis Escudero na mahirap matukoy kung saan dadalhin o paano gagamitin ang kinulimbat ng Maute dahil kinabibilangan ito ng cash, ginto at iba pang precious metals.