Makikipag-ugnayan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Commission on Higher Education (CHED) para hadlangan ang plano ng CPP-NPA na tuluyang pasukin ang mga pamantasan para manghikayat ng mga mag-aaral na mag-aklas sa pamahalaan.
Ayon kay AFP Spokeman Brig.Gen. Egard Arevalo, desperado na ang komunistang grupo kaya’t puspusan na ang kanilang panghihikayat sa mga mag-aaral para punan ang kanilang hanay.
Batay sa datos mula sa AFP mula nuong Oktubre 13, aabot na sa mahigit 10,000 mga regular NPA at sympathizers nito ang nalansag na ng pamahalaan.
Kabilang dito ang 639 na regular fighters ng NPA na sumuko at 104 na napatay naman sa mga enkwentro.
Nanindigan naman si Arevalo na talamak ang recruitment ng NPA sa ilang mga paaralang kabilang sa listahan na una na nilang ipinalabas.
Modus aniya ng NPA ay impluwensyahan muna ang mga estudyante na maging aktibista, saka i-mobilisa bilang militante, at pagkatapos ay tuluyang i-recruit sa komunistang grupo.
(with report from Jaymark Dagala)