Walang patid ang dagsa ng mga namamasyal sa Dolomite Beach sa Maynila, mahigit isang linggo matapos luwagan pa ang quarantine restrictions sa National Capital Region.
Kahapon, pami-pamilya ang dumating sa artificial beach habang ang ilan ay nagtayo pa ng tents at upang makapaglaro ang mga bata, ay nagdala pa ng kani-kanilang sapin o banig.
Gayunman, dismayado ang ilang pumasyal dahil sa halos hindi mahulugang-karayom na tao sa kabila ng banta ng COVID-19.
Agad namang sinasaway ng mga personnel ng Philippine Coast Guard at Department of Environment and Natural Resources ang mga natityempuhang nagkukumpulan.
Inaasahang daragsa pa ang mga namamasyal ngayong linggo kaya’t hinigpitan na ng PCG, DENR, MMDA at PNP ang kanilang pagpa-patrol sa Dolomite Beach, upang maiwasan din ang posibleng pagdami ng basura.
Una nang inihayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na malaki ang posibilidad na ibaba na sa alert level 2 ang quarantine restrictions sa NCR sa Nobyembre dahil sa pagbaba ng COVID-19 cases. —sa panulat ni Drew Nacino