Sumailalim na sa laboratory examination ang mga namatay na alagang pato ng isang backyard poultry farm sa Manaoag, Pangasinan.
Ipinabatid ni Agriculture Regional Office-1 Director Lucrecio Alviar na anim na pato ang magkakasunod na namatay sa nasabing bayan sa hindi pa malamang dahilan.
Sinabi ni Alviar na kumilos na rin ang mga kawani ng Bureau of Animal Industry para tukuyin ang dahilan nang pagkamatay ng mga nasabing pato.
Kaagad aniya silang kumilos para suriin ang mga namamatay na mga poutry animal para matiyak na hindi makakapasok o maaagapan ang bird flu bago pa ito kumalat sa region 1.
Palasyo gumagawa ng hakbang para hindi na kumalat ang bird flu
Tiniyak ng Palasyo na ginagawa ng gobyerno ang lahat para hindi na kumalat pa ang naitalang avian flu sa Pampanga at ilang kaso sa Nueva Ecija.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na patuloy ang ginagawang monitoring ng gobyerno sa sitwasyon sa Central Luzon hinggil sa kaso ng avian influenza.
Umaapela naman ang Malakanyang sa publiko na manatiling mapagmasid at kalmado sa harap na rin ng kaso ng nasabing sakit.
Ayon pa kay Abella, hindi dapat magpakalat ng maling impormasyon ang mamamayan lalo na sa social media hinggil sa bird flu.