Binigyang diin ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na nais lamang mapangalagaan ng gobyerno ang foreign policy ng bansa kaya’t agad silang nagdesisyon na tutulan ang rekomendasyon ng bansang Ghana na paimbestigahan kay Agnes Callamard ng United Nations-Commission on Human Rights ang umano’y extrajudicial killings sa Pilipinas.
Paliwanag ni Abella, prerogative na ng gobyerno ang naturang desisyon para sa kapakanan ng independent foreign policy ng bansa.
Hindi naman anya itinatanggi na may mga E.J.K. sa Pilipinas pero hindi ito dapat na pakialaman ng mga dayuhan dahil usaping panloob ito ng Pilipinas na iniimbestigahan ng PNP.
Iginiit ng tagapagsalita ng Pangulo, hindi rin dapat na isisi sa gobyerno ang mga kaso ng E.J.K. dahil mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi ito pinahihintulutan at mariin nya itong tinutuligsa.
Una ng inihayag ni Pangulong Duterte na malala na ang problema ng bansa pagdating sa issue ng iligal na droga at kriminalidad na nangangailangan ng agaran at matapang na aksyon ng pamahalaan.
Ulat ni Jopel Pelenio
SMW: RPE