Tiniyak ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na puspusan ang kanilang ginagawang beripikasyon sa mga napapaulat na casualties dahil sa pananalasa ng bagyong Agaton.
Batay kasi sa pinakahuling datos ng NDRRMC, umakyat na sa 20 ang bilang ng mga naitatala nilang nasawi mula sa 3 rehiyon sa bansa.
3 rito ay mula sa Negros Oriental, 14 mula sa Baybay City sa Leyte habang 3 ang mula sa Monkayo, Davao de Oro at Cateel, Davao Oriental.
1 naman mula sa Monkayo, Davao de Oro ang napaulat na nawawala subalit ang lahat ng ito ay patuloy pa rin namang inaalam kung may kinalaman sa bagyo ang kanilang kinasapitan.
Samantala, aabot na sa 250,000 piso ang naitalang pinsala sa imprastraktura sa Region 7 at 10 habang nananatili pa rin sa 874 libong piso ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura sa Region 12 at BARMM. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)