Muling pina-aalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga magulang na gabayang maigi ang kanilang mga anak ngayong magba-bagong taon.
Ito’y sa gitna nang patuloy na pagtaas ng bilang ng firecracker-related injuries, kung saan pabata nang pabata ang mga nabibiktima.
Halimbawa na lamang sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center (JRRMMC) sa Maynila, mas maraming biktima ng paputok na edad 18 pababa.
Ayon kay JRRMMC Chief, Dr. Emmanuel Montaña, pawang edad 18 pababa ang karaniwang nagiging biktima ng fireworks-related injuries simula 2017 hanggang 2021 kaysa mga nakatatanda.
Gayunman, karamihan ng mga nasusugatan ay hindi naman nagpapaputok o hindi aktibo sa paggamit ng firecracker kundi kadalasang nanonood lamang.
Sa ngayon ay wala pang naitatalang firecracker-related injuries ang nasabing ospital dahil na rin umano sa epektibong “Iwas Paputok” campaign ng DOH.
Samantala, aminado si Health Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire na medyo nasabik ang publiko sa selebrasyon ng bagong taon, lalo’t hindi naman gaanong nakapagdiwang sa nakalipas na dalawang taon dahil sa COVID-19 pandemic.