Maaaring sapitin ng sinumang magmamatigas na sumuko sa mga awtoridad ang kinahitnan ng mga napatay na narco-politician.
Ito ang babala ng Malacañang ilang araw matapos manlaban sa mga pulis at mapatay si dating Parang, Maguindanao Mayor Talib Abo Sr. at kapatid nito sa Cotabato City.
Sinasabing sangkot si Abo sa illegal drugs trade at kabilang sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte na naunang itinanggi ng dating alkalde.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, anuman ang estado sa buhay ng mga sangkot sa iligal na droga ay hindi ito sasantuhin ng mga pulis at iba pang law enforcer.
Pinapayagan naman anIya ng batas ang mga law enforcer na gumamit ng dahas kung kailangan basta’t lehitimo ang operasyon.
Sa kabila nito, nilinaw ni Panelo na hindi pinapayagan ng gobyerno ang anumang drug-related operations na hindi naaayon sa batas.
—-