Itutuloy pa rin ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagsasampa ng kaso laban sa mga pulitikong sangkot sa tinaguriang narco-list.
Ito’y kahit pa nasilat nila ang puwesto sa iba’t ibang mga posisyon sa gubyerno sa nakalipas na 2019 midterm elections nito lamang Mayo 13.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, wala aniyang dahilan para sa mga ito na magsaya dahil ihahain pa rin nila ang kasong administratibo laban sa mga ito sakaling mapatunayang sangkot nga sila sa iligal na droga.
Magugunitang 26 mula sa 37 pangalang nasa narco-list na tumakbo nitong eleksyon ay nanalo mula sa kongresista, bise gubernador, alkalde, bise alkalde, konsehal at board member.
Pawang nagmula aniya ang mga ito sa regions IV-A o CALABARZON, Eastern at Western Visayas, Ilocos Region, Northern Mindanao, BARMM, Central Luzon, Zamboanga Peninsula, SOCCKSARGEN at CARAGA.