Umabot na sa 173 billion pesos ang narekober ng Presidential Commission on Good Government na nakaw-umanong yaman mula sa pamilya Marcos simula nang itatag ang PCGG noong 1986.
Kabilang sa naturang halaga ang interes at kita mula sa government securities at time deposit at bahagi ng coconut levy fund.
Sa mahigit tatlong dekadang operasyon ng PCGG, nakapagbigay na ito ng pondo para sa Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP sa pamamagitan ng umano’y Marcos ill-gotten wealth.
Nakapag-remit din ang komisyon sa Bureau of Treasury ng 79 billion pesos na pondong bahagi ng narekober na yaman na nakatulong sa mga CARP project tulad ng farm-to-market roads, pagpapatayo ng mga tulay at irrigation facilities.
Kabilang sa mga narekober ang Swiss Bank deposits ng mga Marcos na aabot sa 35 billion pesos; kita mula sa pinagbentahan ng shares ng Philippine Telecommunications Investment Corporation na nasa 25 billion pesos;
San Miguel Corporation, 56.5 billion pesos; Meralco, 18.2 billion pesos, Philippine Long Distance Telephone, 74 million pesos at jewelry collections ni dating first lady Imelda Marcos, 1 billion pesos.