Kumikilos na ang Criminal Investigation ang Detection Group o CIDG para tugisin ang mga nasa likod ng iligal na pagbebenta ng mga bakuna kontra COVID 19 via online.
Ayon kay PNP Spokesman P/BGen. Ronaldo Olay, mayruon na silang hawak na mga pangalan ng mga posibleng sangkot sa nasabing modus operandi subalit hindi muna nila ito isasapubliko upang hindi mabulilyaso ang operasyon.
Batay sa ulat, maaari umanong makakuha ng slot para sa pagbabakuna sa mga lungsod ng San Juan at Mandaluyong kahit hindi sila residente sa halagang walo hanggang P12,000.
Kapwa naman itinanggi nila Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos at San Juan Mayor Francis Zamora ang nasabing ulat sabay paggigiit na isa itong uri ng scam.
Sa kaniyang panig naman, umapela si CIDG Director PBGen. Albert Ferro sa publiko na huwag tangkilikin ang mga ganitong uri ng modus.
Giit naman ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar na libre ang mga bakunang ipinamamahagi ng Pamahalaan at tanging ang mga LGU lamang ang kuwalipikadong mamahagi nito sa mga residente ng bawat bayan o lungsod.
Sakaling may iba pang lugar na may kahalintulad na modus, hinikayat ng PNP Chief ang publiko na dumulog sa kanilang e-sumbong sa mga numerong 0917 847 5757 sa GLOBE; 0919 601 752 para naman sa SMART at mage-mail sa e-sumbong@pnp.gov.ph.