Pinasisibak ni Senador Francis Kilo Pangilinan ang mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwait na nagkasa ng rescue operations sa mga OFW sa nasabing bansa at nagpakalat ng video sa social media.
Ito’y matapos maghain ng diplomatic protest ang Kuwaiti Government na siya ring dahilan ng pagpapalayas at pagdideklarang Persona Non Grata kay Ambassador Rene Pedro Villa.
Ayon kay Pangilinan, mahalagang magkaroon ng direktang pakikipag-usap ang pamahalaan sa mga opisyal ng Kuwait upang mapahupa ang tensyon at maayos ang lumalalang gusot sa pagitan ng dalawang bansa.
Dahil aniya sa kinahaharap na krisis sa Kuwait, nakabitin ngayon ang paglagda ng Pilipinas at ng naturang bansa sa Memorandum Of Agreement para protektahan ang kapakanan ng mga OFW’S.
Magugunitang nag-ugat ang pagpalag ng Pilipinas matapos mabunyag ang ginawang pagpatay sa Pinay Overseas Worker na si Joanna Demafelis na pinatay at isinilid sa freezer ng mga amo nito sa nasabing bansa.