Kumikilos na ang mga intelligence operatives ng Philippine National Police para alamin kung sino o anong grupo ang nasa likod ng pagkakabit ng mga pulang tarpaulin sa ibat ibang bahagi ng Metro Manila na may nakalagay na “Welcome to the Philippines, Province of China”.
Ayon kay PNP spokesman Senior Superintendent Benigno Durana Jr, iniimbestigahan na nila ang motibo ng naturang pagkakabit ng mga tarpaulin.
Gayunman, isa sa mga nakikita ng PNP na motibo umano nito ay ang ipahiya ang gobyernong Duterte dahil sa pakikipagkaibigan nito sa China.
Tiniyak naman ng opisyal na may kakaharaping kaso ang nasa likod ng naturang kontrobersyal na tarpaulin lalo’t may ordinansa sa lungsod ng Quezon na nagbabawal sa pagkakalat.
Kasalukuyang nire-review na ng PNP ang mga CCTV footage at nangangalap ng mga testigo para sa pagbabakasakaling may nakakita sa pagkakabit ng mga nabanggit na banner.