Isang extortion syndicate na binubuo ng mga personnel mula sa iba’t ibang government agency na bumibiktima ng mga matanda at Overseas Filipino Worker ang sangkot sa ‘tanim-bala’ scam sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Base sa inisyal na pagsisiyasat ng National Bureau of Investigation (NBI), hina-harass din ng extortion group ang mga pasahero sa pamamagitan ng pag-kwestyon sa kanilang travel papers.
Ayon sa source mula sa NBI, itinuturo ng ilang porter at mga kasabwat ang mga posibleng biktimahin ng “tanim-bala” scam habang ang security and Immigration services personnel ang maglalagay ng bala sa 4 na terminal ng NAIA.
Ang bawat unit ay may nakatalagang trabaho o papel at ang mga miyembro ng grupo ay inirerecruit ng mga personnel na matagal ng naka-assign sa apat na terminal.
Binubuo umano ang sindikato ng iba’t ibang airport worker tulad ng mga Immigration personnel, airport police, x-ray scanners, baggage inspector at porter.
Samantala, sinisiyasat na ng NBI ang mga record sa nakalipas na ilang taon upang mabatid at matukoy ang mga posibleng miyembro ng sindikato.
By Drew Nacino