Papangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga nasa likod ng umano’y kurapsyon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa mga susunod na araw.
Ito ang tiniyak ng Malakanyang kasunod na rin ng utos ng pangulo na isuspinde ang operasyon ng lahat ng gaming scheme na nasa ilalim ng PCSO.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, tiniyak ni Pangulong Duterte na ilalabas ang pangalan ng mga umano’y tiwali sa PCSO at pagpapanagutin ang mga ito.
Kinumpirma din ni Panelo ang kautusan ng pangulo na agad ipasara ang lahat ng outlet ng lotto, small town lottery, peryahan ng bayan at iba pang gaming scheme sa buong bansa.
Iginiit ni Panelo, nagkaroon ng sabwatan ang mga major players at mga enforcers para dayain ang pamahalaan sa dapat na nakukuhang kita nito sa mga larong pinatatakbo ng PCSO.