Sinampahan na ng asunto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Pambansang Pulisya ang mga nasa likod ng kontrobersyal na ‘vaccine slot for sale’.
Ayon kay CIDG Director P/Bgen. Albert Ferro, kabilang sa mga kinasuhan ay sina Cyle Cedric Bonifacio at Melvin Polo Gutierrez.
Kasong paglabag sa Article 315 ng revised penal code o estafa, paglabag sa anti-red tape law of 2007 at paglabag sa anti-cybercrime law ang inihaing reklamo ng CIDG sa Mandaluyong City prosecutor’s office.
Kasunod nito, nilinaw ni Ferro na hindi empleyado ng Mandaluyong City Hall sina Bonifacio at Gutierrez, taliwas sa naunang ulat na nailathala pa sa pahayagan.
Una nang isiniwalat ng vlogger na si Nina Elaine Dizon ang maanomalyang transaksyon kung saan, maaaring makakuha ng slot sa bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mga lungsod ng Mandaluyong at San Juan ang mga biktima ng dalawa kahit hindi sila residente roon.