Umakyat na sa 230,000 ang bilang ng mga nasita ng NCRPO o National Capital Region Police Office hinggil sa pagpapatupad ng mga ordinansa sa kalakhang Maynila.
Batay sa ulat ng NCRPO mula Hunyo 13 hanggang kaninang 5:00 ng umaga, pinakamarami sa mga nasita ay dahil sa paglabag sa smoking ban o iyong paninigarilyo sa mga pampublikong lugar na nasa mahigit 80,000.
Sinundan naman ito ng mga naglalakad ng walang damit pang-itaas na nasa mahigit 20,000 gayundin ang lumabag sa curfew na nasa 19,000 at mahigit 13,000 naman ang mga umiinom ng alak sa pampublikong lugar.
Samantala, papalo naman sa mahigit 98,000 ang mga naitalang lumabag sa mga hindi na nabanggit na ordinansa na karamiha’y nagmula sa QCPD na sinundan naman ng EPD, SPD, MPD at NPD.
Paglilinaw ni NCRPO Chief Director Guillermo Eleazar, bagama’t may 26 silang nakasuhan, nananatili sa 26 naman ang nasa kostudiya ng pulisya habang karamihan sa mga ito ay pinagmulta o di kaya’y binalaan lamang.