Target ng Department of Agriculture na masampulan ang ilang mga nasasangkot sa agricultural smuggling.
Ito ang tiniyak ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa mambabatas sa gitna ng kanyang confirmation hearing sa komite ng Commission on Appointments.
Kaugnay nito, tinanong ni Senator Grace Poe si DA Secretary Laurel kung naibahagi na ba sa kanya ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., ang mga ‘usual suspects’ na sabit sa agricultural smuggling habang ang tugon ng kalihim ay may ilan nang pinangalanan ang pangulo sa kanya.
Ayon kay Tiu Laurel, mayroon siyang bagong intelligence at enforcement unit na patuloy na nagbeberipika sa lahat ng impormasyon, ebidensya at sa unang quarter ng 2024 ay mayroon na silang maaaksyunan dito.
Tiniyak din ng kalihim na sasampahan ng kaso ng DA ang mga indibidwal na sangkot sa agricultural smuggling. - sa panulat ni Jeraline Doinog