Sumampa na sa 18 ang bilang ng nasawi sa flashfloods bunsod ng walang tigil na ulan sa Mindanao at ilang bahagi ng Visayas.
Ayon kay Office of Civil Defense Spokesperson Mina Marasigan, pinaka-marami ang naitalang casualty sa Zamboanga Del Norte na siyam (9) ; tig-tatlo (3) sa Gingoog City at Cagayan De Oro City, Misamis Oriental; tig-isa (1) sa Bukidnon, Cebu at Misamis Occidental.
Limang (5) iba pa anya ang pinaghahanap sa mga lalawigan ng Cebu; Zamboanga Del Norte at Misamis Occidental.
Aminado naman si Marasigan na karamihan sa mga biktima ay hindi inasahan ang matinding epekto ng malakas na ulan kahit walang bagyo kaya’t mataas ang bilang ng mga nasawi bukod pa sa problema sa drainage system sa ilang bahagi ng Mindanao partikular sa Cagayan De Oro City.
Posible ring hindi naging epektibo ang pagpapakalat ng mensahe ng gobyerno maging ang ilang tools tulad ng Project Noah kaya’t marami ang naapektuhan ng kalamidad.
By: Drew Nacino