Tiniyak ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Hansleo Cacdac na maiuuwi sa Pilipinas ang labi ng mahigit isang daang mga Filipinong nasawi sa COVID-19 sa Saudi Arabia.
Kasunod na rin ito ng naging anunsyo ng dole o department of labor and employment na inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force ang repatriation ng labi ng mga nabanggit na manggagawang Pinoy.
Ayon kay Cacdac, mismong si Labor Secretary Silvestre Bello III nag-aayos ng proseso para rito.
Pagtitiyak ni Cacdac, lahat ng labi ng mga nasawing Filipino sa Saudi Arabia, may kaugnayan man o wala sa COVID-19 ay ibabalik ng Plipinas.
Dagdag ni Cacdac, mayroon na silang itinakdang target para sa repatriation ng mga nabanggit na labi bagama’t hindi aniya siyang awtorisadong i-anunsyo ito sa ngayon.