Umabot na sa mahigit dalawang libong (2,000) pulis ang nasibak dahil sa pagkakasangkot sa iba’t ibang krimen mula pa noong 2016.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, hindi pa kasama sa talaan ang pitong libong (7,000) pulis na kanilang napatawan ng parusa dahil sa mas magaang na mga kasalanan.
Sa ngayon aniya ay marami pa silang binabantayang pulis na kasama sa kanilang counter intelligence watchlist na maaaring sangkot sa iba’t ibang uri ng krimen.
Gayunman, sinabi ni Albayalde na sa ilalim ng proseso ng PNP, ilalagay lamang muna sa floating status ang mga akusado at susuweldo pa rin sa PNP habang wala pang nakukuhang matibay na ebidensya laban sa kanila.
Una rito, nabunyag sa bagong drug matrix ng Malacañang ang pitong opisyal ng pulisya na sangkot sa illegal drugs.
Sinabi ni Albayalde na sa ngayon ay nangangalap pa sila ng dagdag na ebidensya para makasuhan at maisalang sa summary dismissal proceedings ang mga akusado.
—-