Tiniyak ng maybahay ng yumaong dating ambassador Roy Señeres na ipagpapatuloy nila ang mga adbokasiya ng kanyang asawa.
Ayon kay Ginang Minerva Señeres sa pamamagitan ito ng OFW Family Partylist kung saan kinatawan ang kanyang asawa at first nominee naman ang anak nilang si Roy “RJ” Señeres Jr. para sa darating na eleksyon.
Malaki anya ang tiwala nilang mag-asawa sa kanilang mga anak na kaya nilang ipagpatuloy ang nasimulan ng ama lalo na ang pangangalaga sa kapakanan ng mga OFWs at mga manggagawa dahil pinalaki sila sa adbokasiyang ito.
“Ang nominee ngayon ng OFW Family Partylist ay yung anak ko si Roy Jr., siya ang first nominee, maliliit pa ang mga yan bitbit na namin sila sa ibang bansa, lumaki sila sa buhay na nakikita nila sa ama nila na walang ginawa kundi tumulong ng tumulong sa mga manggagawang inaapi sa abroad, kumbaga nakagisnan na ng buong pamilya namin, maski ako, na-involve na din ako sa pagtulong sa ating mga kababayan abroad. Lahat ng ginagawa ni Amba ay itinutuloy lang talaga ng OFW Family Partylist, adbokasiya na yan.” Ani Mrs. Señeres
Tahimik naman si Ginang Señeres sa plano ng partido ng kanyang asawa kung maglalagay sila ng substitute candidate bilang presidential candidate.
“Actually hindi ko alam kung ano ang nasa isip niya kasi marami namang tao ang lumalapit sa kanya at nakikipag-usap sa kanya, pero yung kung ano ang iniisip niya, kung may gusto ba siyang papalit sa kanya, wala naman siyang binabanggit.” Pahayag ni Mrs.Señeres
By Len Aguirre | Ratsada Balita