Umabot na sa 4.25 billion pesos ang kabuuang halaga ng nasirang ari-arian sa sektor ng agrikultura at imprastraktura bunsod ng pananalasa ng bagyong Agaton.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), aabot sa 89,093 metric tons o 31,645 ektarya ng lupain ang nalugi sa sektor ng agrikultura dahilan para maapektuhan ang nasa 64,525 na mga magsasaka at mangingisda.
Sinabi ng DA na nasa 1.3 billion pesos ang nawala sa mga produktong gaya ng high-value crops partikular na ang mais at iba pang mga gulay, cacao at ibat-ibang uri ng mga prutas.
Nalugi din ng 53.6 million pesos o aabot sa 78,732 ng live stock at poultry kabilang na dito ang mga manok, baboy, baka, kalabaw, itik, kambing, kabayo, at pabo.
Nasa 782.1 million pesos naman ang nawala sa mahigit 2,852 na mangingisda kabilang na ang produksiyon sa mga fish pens, fishing boats, gears at engines.
Samantala, umabot naman sa mahigit 1.45 billion pesos ang halaga ng pinsala sa pampublikong imprastruktura dulot parin ng papanalasa ng bagyong Agaton.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), nasa 1.40 billion pesos ang danyos sa mga kalsada at tulay; 6.6 million pesos naman sa mga national road.
Sa ngayon, layunin ng DPWH na muling buksan ang mga natitirang kalsada na hindi parin madaanan dahil sa pagguho ng lupa sa nabanggit na mga lugar. – sa panulat ni Angelica Doctolero