Iginiit ng pamahalaan na kahit may mga natanggal na proyekto o pondo sa ilalim ng 2025 national budget ay hindi nangangahulugang walang plano ang administrasyon ukol dito.
Ayon kay Budget Usec. Goddess Hope Libiran, ang dahilan sa likod ng pag-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ilang probisyon ng 2025 budget, partikular na sa flood control at water management projects na bahagi ng irigasyon at food security ay dahil hindi pa “Implementation-ready” o kaya’y malabo ang layunin at detalye.
Aniya, karamihan sa mga proyektong vineto ay hindi naman kasama sa proposed President’s budget o National Expenditure Program kung saan dito nakapaloob ang mga inirekomendang proyekto ng mga implementing agencies tulad ng DPWH at MMDA na sinuri at aprubado para sa susunod na taon.
Iginiit ng opisyal na masusing binusisi ng pangulo at ng DBM kung alin sa mga naipasok na proyekto ang hindi pa maipapatupad sa 2025.
Maliban dito, nilinaw din ni Usec. Libiran, na ang NEP ay batay sa mga proyektong direkta nang inirekomenda ng mga implementing agencies at napatunayan nang handa para maipatupad.