Nababasag na ang depensa ng Maute Group sa Marawi City.
Ayon ito kay Armed Forces of the Philippines o AFP Chief of Staff General Eduardo Año kasabay ng pagsasabing nakikita na nilang mas magiging madali na ngayon ang pagbawi sa buong lungsod.
Hindi na aniya ganoon katindi ang depensa ng kalaban di tulad noong binabawi ng militar ang Grand Mosque at Bato Mosque kung saan katakot takot na bakbakan ang naganap.
Isa lang aniya ang pinag-iingatan nila ngayon ang hindi madamay ang mga bihag na sibilyan.
Ayon kay Año, bagamat may natitira pang 40 kalaban sa lungsod ilan naman dito ay sugatan na at hindi pa makalakad.
Suicidal na rin aniya o handa nang magpakamatay ang nasa siyam na banyagang terorista na siyang nagmamando aniya ngayon sa mga Pilipinong bandido.
Ayon pa kay Año, lumiit na sa 7 ektarya ang may presensya ng mga kalaban.
May timeline na aniya sila ngayong buwang ito kung kailan matatapos ang gulo sa Marawi pero tumanggi na ang opisyal na sabihin pa ito.