Binalewala ng Malakanyang ang banta ni Vice President Leni Robredo na magbibigay ito ng ulat sa bayan hinggil sa kanyang mga natuklasan sa giyera kontra droga ng administrasyon.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, lahat naman ng natuklasan ni Robredo ay batay lamang sa ibinigay sa kanya ng Inter-Agency Committee Against Illegal Drugs (ICAD).
Sinabi ni Panelo na isa sa mga dahilan kung bakit itinalaga si Robredo sa ICAD ay upang patunayan na transparent ang administrasyon sa mga operasyon kontra illegal drugs.
Pero pangunahin aniyang dahilan ng pagsibak kay Robredo ay; incompetence at kabiguan nitong magbigay ng mga bagong hakbang na magagamit sa giyera kontra droga.
Idinagdag pa ni Panelo na tinimbang si Robredo ngunit kulang.
Samantala, inamin ni Panelo na hindi pa nababasa ng Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang reports na isinumite ni Robredo.