Hinikayat ni US President Barrack Obama ang mga negosyante na tignan bilang malaking oportunidad sa negosyo ang hamon ng climate change.
Sa kanyang talumpati sa APEC CEO Summit, inamin ni Obama na hindi kakayanin ng mga pamahalaan na tugunan ang problema sa climate change kung hindi tutulong ang mga negosyante.
Ayon kay Obama, walang sinuman o anumang bansa ang immune sa epekto ng climate change kaya’t dapat magtulungan kung paano tutugunan ang malaking hamon na protektahan ang ating mundo laban sa pagkasira.
Kumbinsido si Obama na magreresulta sa pagiging masigla ng global economy ang ambisyosong kasunduan na target nilang makamit sa climate change summit sa Paris sa katapusan ng Nobyembre.
West Philippine Sea
Samantala, target ni U.S. President Barrack Obama na makausap ang lahat ng claimants sa pinag-aagawang mga teritoryo sa West Philippine Sea upang maresolba na ang gusot.
Bahagi ito ng pahayag ni Obama sa naging pag-uusap nila ng Pangulong Noynoy Aquino sa sidelines ng Asia Pacific Cooperation Summit.
Ayon kay Obama, dapat nang ihinto ng Tsina ang ginagawa nitong reclamation sa pinag-aagawang mga teritoryo sa West Philippine Sea.
Kasabay nito ay pinagtibay pa ni Obama ang pangako ng Amerika na tumulong sa depensa at seguridad ng Pilipinas.
By Len Aguirre