Doble kayod ngayon ang pamahalaan kung paano nito matutulungan ang mga negosyante upang palakasin ang pamumuhunan ng mga dayuhan sa bansa.
Ito’y ayon kay House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez kasabay ng panawagan nito sa US – ASEAN Business Council para suportahan ang programa ng administrasyong Duterte.
Sa isinagawang joint virtual meeting ng US – ASEAN Business Council 2020, sinabi ni Romualdez na ginagawa ng mga mambabatas gayundin ng ehekutibo ang lahat ng paraan upang maipatupad ang ease of doing business sa bansa.
Gayundin ang pagkakaroon ng kaaya-ayang business environment tungo sa mabilis na paglago ng ekonomiya at ang unti-unting pagbangon ng mga negosyo sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Inilatag din ni Romualdez sa mga negosyante ang mga legislative measures tulad ng bayanihan to recover as one bill, pagtatatag ng medical reserve corps at national disease prevention and management authority.
Maging ang panukalang pambansang pondo sa susunod na taon, corporate recovery and tax incentives for enterprise act, financial institutions strategic transfer at iba.