Naniniwala ang grupo ng mga negosyante sa Pilipinas na lalago ang ekonomiya ng bansa ngayong 2023.
Sa gitna ito ng pangambang posibleng maganap ang worldwide economic recession sa susunod na taon dahil sa pandaigdigang inflation at mataas na interest rate.
Bukod pa dito, inaasahan din ang mga kaguluhan sa ekonomiya ng European Union (EU bunsod parin ng patuloy na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine, at ang inaasahang recession sa Amerika.
Kumpiyansa ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII), na kung magpapatuloy ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa, posibleng pumalo ito sa 6.5% hanggang 7.5% ngayong taon.
Matatandaang una nang nagpahayag ng pagiging positibo ang Department of Finance (DOF), na malaki ang tsansang gumanda na ang ekonomiya sa Pilipinas at posibleng bumilis ang growth rate ng bansa dahil tapos na ang “worst scenario” nito.
Samantala, iginiit naman ng nasabing grupo, na patuloy nilang susuportahan ang mga hakbang na ginagawa ng Administrasyong Marcos na magtutulak ng mas marami pang reporma, mapataas ang sektor ng imprastraktura, at mas mapabuti ang sektor ng agrikultura.