Aminado ang mga negosyante ng paputok na hindi naging maganda ang pagsalubong nila sa bagong taon dahil sa Executive Order (EO) 28 ni Pangulong Rodrigo Duterte na nililimitahan ang paggamit ng paputok.
Aminado si Philippine Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association Chairman Emeritus Celso Cruz na nagdulot lang ng labis na kaguluhan ang nasabing kautusan.
Wala aniyang naging gaanong information drive hinggil sa EO 28 kaya’t nalito ang mga Pinoy kung anong paputok ang bawal at hindi.
Samantala, plano ng grupo ni Cruz na iapela ang EO at makabuo ng panibagong regulasyon na may malinaw na pamantayan.
Sa ilalim ng nasabing kautusan, mahigpit nang ipinagbabawal ang paggamit ng paputok sa mga bahay sa halip ay maglalaan na lamang ng isang lugar ang komunidad para dito.
Nakasaad din sa nasabing kautusan na tanging ang Philippine National Police o PNP lamang ang naatasang magsagawa ng fireworks display sa pakikipag – ugnayan nito sa iba pang mga ahensya ng pamahalaan.