Tila hindi pa kumbinsido ang mga may-ari ng establishments sa Boracay sa pagsasara ng isla mula June 1 hanggang July 31 para maresolba ang environmental at sanitation problems dito.
Sinabi sa DWIZ ni Neneth Graff, Presidente ng Boracay Foundation Inc. na hindi nila alam kung paano ang gagawin sa mga turistang nakapagpa-book na hanggang katapusan na ng taong ito.
“Matagal ‘yan kasi 60 days eh, ang iniisip namin ngayon anong gagawin namin halimbawa sa mga guest na nag-book na galing sa ibang bansa, nagbayad na, paano po namin aayusin, ‘yung 60 days na palugit, kung paano namin paghahandaan kung gagawin nga ng ating Pangulo.” Ani Graff
Ayon pa kay Graff, tila nakakatakot ang mga katagang state of calamity na una nang inihayag ng Panguong Rodrigo Duterte na idedeklara niya sa Boracay bago ang tuluyang paglilinis dito.
Nangangapa rin aniya sila kung paano nag-iba na ang sitwasyon sa Boracay ngayon.
Inamin ni Graff na mahirap nang buhayin pa ang imahe ng Boracay.
“Hindi madaling i-build ang image ng Boracay sa isang pagkakataon sa isang pitik mo lang ay mawawal ito sayo, it’s difficult to rebuild again, pano natin i-eexplain ang nangyayari, ang salitang state of calamity ay isang napakasamang pangitain sa isang tao, sa isang bayan, hindi ko alam kung paano naging ganyan ang sitwasyon natin ngayon.” Pahayag ni Graff
Samantala, nag-atrasan na ang maraming negosyante na nais maglagak ng investment sa Boracay.
Ito ayon sa Philippine Chamber of Commerce and Industry o PCCI ay kasunod ng bantang pagpapasara sa isla dahil sa environmental at sanitation problems dito.
Sinabi ni Elena Brugger, Pangulo ng PCCI Boracay na nangangamba sila sa magiging epekto nang nakaambang pagdedeklara ng Pangulong Rodrigo Duterte ng state of calamity sa Boracay.
Inihayag ni Brugger na bukod sa mga lokal na residente ng Aklan na nagtatrabaho sa Boracay may mga naghahanap-buhay din dito mula sa mga karatig na lalawigan.
(Ratsada Balita Interview)