Nalulugi na ng malaki ang mga negosyante sa Occidental Mindoro sa patuloy na 7 hanggang 12 oras na brownout araw-araw.
Ayon kay Diana Tayag, isa sa mga convenor ng 100% Brownout-Free Occidental Mindoro, siya mismo bilang isang negosyante ay nalulugi na sa kanyang ice plant at rice mill.
Marami rin aniyang mga magsasaka ng sibuyas ang nalugi na dahil sa pagkabulok nito bunsod ng kawalan ng kuryente sa mga cold storage kung saan inilalagak ang mga sibuyas.
“Doon po sa iceplant namin na may storage, nabulok po ang aming sibuyas na umabot ang pagkalugi namin ng nasa P2 milyon, eh hindi naman po kami ganun kalaking mga negosyante para maging magaang tanggapin ang ganung kalaking pagkalugi.” Ani Tayag.
Isiniwalat din ni Tayag na 17 taon ng nagtitiis ang mga taga-Occidental Mindoro sa araw-araw na brownout na tumatagal ng 12 oras.
Pinabulaanan din ng grupo ang unang naging pahayag ng gobernador ng Occidental Mindoro na isang oras na lang ang nararanasang brownout sa lalawigan.
“Dito po sa mga lugar namin, iba po ang aming nararanasan, kung isang oras nga po siya, 2 o 3 beses naman na nangyayari maghapon, kung ang Sablayan, meron po silang 6-12 hours na brownout na umaabot pa nga ng 24 hours kung minsan.” Pahayag ni Tayag.
By Mariboy Ysibido | Ratsada Balita
Photo Credit: Change.org