Handa nang mamuhunan ang mga negosyante sa Thailand para mapatatag ang sektor ng pagkain at imprastruktura sa Pilipinas.
Ayon sa Office of the Press Secretary (OPS), ang planong pamumuhunan ng Thailand ay bunsod ng pagsusumikap ng administrasyong Marcos para maitaas ang ekonomiya ng bansa at maibaba ang halaga ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa merkado.
Sa naging pahayag ng Federation of Thai Industries, malaking tulong ang pinalakas na pakikipagnegosyo ng Pilipinas at Thailand upang mapalago ang digital economy ng dalawang bansa bilang mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Ayon sa mga negosyante, kanilang susuportahan ang sektor ng transportasyon, turismo, negosyo, enerhiya maging ang telecommunications sector.
Iginiit ng OPS, na ang ugnayan ng Thailand at Pilipinas ay patunay lamang na mayroong pagkakaisa sa bawat mga bansa.
Ikinatuwa naman ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga bagong oportunidad na nabuksan sa tulong ng pakikipag-ugnayan ng ibat-ibang mga bansa sa Pilipinas.