Inatasan ng Malakanyang ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na bantayan ang presyo at kalidad ng manok sa mga pamilihan.
Kasunod na rin ito ng pananalasa ng avian bird flu virus outbreak na nagsimula sa bayan ng San Luis sa lalawigan ng Pampanga.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, walang dahilan para tumaas ang presyo ng manok sa pamilihan dahil isang lugar lamang ang apektado ng nasabing virus.
Pagtitiyak ni Abella, gumagawa na ng hakbang ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan upang hindi na maibenta pa ang mga kontaminadong manok.
Sa huli, nagbabala ang Palasyo sa mga negosyante na mananagot sa batas sakaling samantalahin ng mga ito ang sitwasyon upang makapagtaas ng kanilang presyo.
Mga tauhan ng NMIS dapat ipakalat para magbantay sa mga itinitindang karne
Dapat ipakalat ang mga tauhan ng NMIS o National Meat Inspection Service upang bantayan ang mga itinitindang karne ng manok sa mga pamilihan.
Ito ang inihayag ni Occidental Mindoro Representative Josephine Sato sa isinagawang pagdinig ng Kamara para sa budget ng DOH o Department of Health.
Ayon kay Sato, dapat magkaroon din ng ugnayan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Agriculture (DA), Bureau of Animal Industry, NMIS, Department of Health at Department of Science and Technology para lutasin ang problema ng bird flu.
Una nang tiniyak ng Malakanyang na ginagawa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang mga kaukulang hakbang upang mailayo sa peligro ang publiko mula sa banta ng nasabing virus.