Tiniyak ni Health Secretary Francisco Duque III na mapaparusahan ang mga negosyanteng mapatutunayang nagho-hoard o nagtatago ng mga face masks para makontrol ang presyuhan nito.
Ayon kay Duque, may paglalagyan at papatawan ng parusa ang mga mapatutunayang nanamantala sa kasalukuyang sitwasyon sa bansa.
Sa gitna naman ng ulat na pagkakaubusan na ng stock ng mga N95 masks, sinabi ni Duque na maaari nang gamitin na alternatibo ang mga surgical mask lalo na sa mga lugar na mahina lamang ang ash fall.
Paliwanag ni Duque, makapagbibigay na ng sapat na proteksyon ang mga surgical masks sa mga lugar na mahihina ang ash fall dahil may sarili namang air filtering system ang katawan ng tao.
Dagdag ni Duque, patuloy nilang minomonitor ang nasa 61 mga evacuation centers lalo na’t karaniwang nakararanas ng pananakit ng ulo, lagnat, hypertension, acute gastroenteritis at respiratory tract infection ang mga biktima ng pag-aalburuto ng bulkan.