Lalo pang pinalakas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ugnayan ng Pilipinas at japan sa aspeto ng kalakalan at pamumuhunan.
Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, aabot sa anim na bilyong Piso ang bagong investment at joint ventures ang inaasahang iuuwi ni Pangulong Duterte matapos ang kaniyang pakikipagpulong sa Japanese businessmen.
Sinaksihan din ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglalagda ng business letters of intent kung saan, aabot sa 18 kumpaniya mula sa Japan ang nais maglagak ng kanilang puhunan at negosyo sa Pilipinas.
Pormal na tinanggap ni DTI o Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez kasama ang iba pang mga economic managers ni Pangulong Duterte ang nasabing liham kasama ang ilang mga Pilipinong negosyante.
Kasunod nito, umaasa si Japanese Prime Minister Shinzo Abe na kapwa makikinabang ang mga Pilipino at Hapon sa matatag na relasyon ng dalawang bansa partikular na sa larangan ng kalakalan.