Nanawagan sa publiko ang mga netizen na huwag kalimutang isauli ang coaster buzzer na nagbibigay abiso sa mga customer ng fast-food chains na handa na ang kanilang inorder na pagkain.
Ang coaster buzzer ay isang paging system na ginagamit ngayon sa food establishments.
Sa pamamagitan ng pag-flash at vibrate, malalaman ng customers na handa na ang kanilang order at maaari na itong kunin sa counter.
Ngunit imbes na ibalik ang ipinahiram na coaster buzzer, inuuwi umano ito ng ibang customers.
Katulad na lamang ng isang vlogger na ipinost pa ang larawan ng naiuwing buzzer.
Isang netizen ang nagsabing sa store nila galing ang nakuhang buzzer at siningil umano ng P500 ang kanilang ka-crew upang mapalitan ito. At dahil naawa sila sa kasamahan, naghati-hati sila rito para mabayaran.
Kaugnay nito, may isang tauhan din ng fast-food chain na naglabas ng sama ng loob dahil sa inuuwing buzzer.
Saad niya sa kanyang post, “Hindi niyo naman po mapapakinabangan yan. Kung sa tingin niyo katuwaan lang sa inyo ang pag uwi ng gamit, sa amin po hindi, kasi kinakaltas po sa sahod namin. P500 po ang isa niyan. Hindi po biro ang binabawas sa sahod namin.”
Kaya panawagan ng mga netizen, maging responsableng customer at magkaroon ng simpatya sa crew na nagtratrabaho lamang nang patas para sa kanilang pamilya.