Mahigit dalawang dekada na ang lumipas nang pumanaw ang aktor na si Rico Yan, ngunit patuloy pa rin siyang nananatili sa puso ng kanyang mga tagahanga—at ng Gen Z.
Mabilis na kumalat sa social media ang videos at pictures ng ilang netizen, partikular na ng mga kabataan, na tila ginagawang tourist spot ang puntod ng ‘90s heartthrob.
Bago mangyari ang naturang trend, muling lumutang sa TikTok ang ilang clips ng mga sikat na pelikula ni Rico, katulad ng “Got to Believe” na pinagbidahan nila ng kanyang ex-girlfriend na si Claudine Barretto.
Dahil sa kanyang charming at boy-next-door looks, agad niyang naakit ang bagong henerasyon ng mga tagahanga.
Kaya habang trending siya online, ganun din ang pagbisita sa kanyang puntod sa Manila Memorial Park sa Parañaque.
Hati naman ang opinyon ng mga netizen at maging ng ilang celebrities dito.
Bagama’t sa una ay nagsimula ito bilang katuwaan, marami ang kumondena sa mga pumupunta sa puntod ng aktor dahil hindi na umano nila nirerespeto ang yumao at sa halip, ginagawa lamang ito para sa social media clout at content.
Para rin sa ibang netizen, weird at creepy ang ginagawa ng mga tagahanga ni Rico. Matatandaang may kumalat na TikTok video kung saan makikita ang isang content creator na hinahaplos at niyayakap pa ang puntod ng aktor. Ani nga ng mga netizen, dinaig pa nito ang kamag-anak.
Ngunit ang mismong pamilya ni Rico, wala namang nakikitang problema sa patuloy na pagdagsa ng fans sa puntod.
Ayon sa nakatatandang kapatid ng aktor na si Bobby Yan, sinabi sa kanila ng caretaker na wala naman silang dapat ikabahala dahil tahimik at magagalang umano ang mga bumibisita sa sementeryo.
Hindi na rin daw bago sa kanila ang madalas na pagdalaw ng fans sa puntod ng aktor. Sabi nga ni Bobby, “We welcome po anyone from anywhere.”