Hanggang ngayon, usap-usapan pa rin sa social media ang pagpapakasal ng dating child stars na sina Nash Aguas at Mika Dela Cruz.
Tila kasi pang-teleserye ang kanilang love story na nagsimula noong mga bata pa sila.
Sabay na lumaki sa mata ng publiko sina Nash at Mika, bilang bahagi ng weekly gag show na Goin’ Bulilit. Bata pa lamang, makikita na ang kanilang kakaibang chemistry, at ayon mismo kay Nash, 2007 pa lamang ay crush na niya si Mika.
Ayon kay Nash na ngayon ay councilor na ng Cavite City, bata pa lamang ay nagpapapansin na siya kay Mika, ngunit hindi ito umubra sa kanyang crush na madalas siyang tarayan.
Matapos nilang grumaduate sa Goin’ Bulilit, nawalan sila ng komunikasyon.
Ngunit tila may plano talaga ang tadahana para sa dalawa dahil noong August 2017, nagbalik sa buhay ni Nash si Mika.
Ayon kay Nash, parang “magic” na nakasalubong niya si Mika sa isang mall. At dahil nasa tamang edad na sila, hindi na pinalampas ng binata na ligawan ang dalaga.
Makalipas ng isang taong panliligaw, naging magkarelasyon na ang dating child stars.
Aminado pa si Nash na napahagulgol siya sa sobrang tuwa nang matanggap ang 15-page love letter mula sa kanyang girlfriend.
At nitong May 19, kinasal na ang dalawa sa Tagaytay.
Patunay ang kwento ng bagong mag-asawang sina Nash at Mika na sa tamang pagkakataon at panahon, mananaig ang tunay at tapat na pag-ibig.