Magpapasaklolo na ang mga empleyado ng National Food Authority sa Supreme Court kontra Republic Act 11203 o Rice Import Liberalization na mas kilala bilang Rice Tarrification Law.
Ayon kay NFA Employees Association Central Office President Maximo Torda, nasa 4,000 empleyado ng ahensya ang nanganganib mawalan ng trabaho dahil sa naturang batas.
Maghahain anya sila ng kaso sa S.C dahil nilalabag ng RA 11203 ang kanilang right to security of tenure lalo’t karamihan sa mga empleyado ng NFA ay permanente at career government worker.
Ipinunto ni Torda na ang pagsasabatas ng Rice Tarrification Law ay magreresulta sa pagbuwag sa NFA dahil aalisin na ang main function nito.
Sa ilalim ng batas na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong isang linggo, malilimitahan na lamang ang NFA sa buffer stocking para sa mga kalamidad at emergency at hindi papayagang makapag-import ng bigas.