Tiniyak ni Philippine National Police o PNP Chief Ronald Dela Rosa na hindi aarestuhin ng mga pulis ang mga miyembro ng New People’s Army o NPA na bababa sa bundok sa panahon ng tigil-putukan.
Ayon kay Dela Rosa, hahayaan nilang makapiling ng mga NPA ang kani-kanilang mahal sa buhay ngayong Kapaskuhan sa kondisyong wala dalang armas ang mga ito, hindi gagawa ng paglabag sa batas, at walang warrant of arrest.
Bilang pagsunod sa idneklarang unilateral ceasefire ng Pangulong Duterte, inihayag ni Bato na pansamantalang ititigil ng PNP ang mga operasyon ng kanilang mga Public Security Forces na tumutugis sa NPA sa kabundukan.
Pabor din aniya ito sa mga pulis para makapiling din ang kanilang mga mahal sa buhay ngayong Kapaskuhan.
CPP-NPA
Magdedeklalara na rin ng unilateral ceasefire ang Communist Party of the Philippines o CPP.
Inihayag ito ni CPP Founder Jose Maria Sison bilang paggunita sa panahon ng Kapaskuhan at para sa pagdiriwang nila ng kanilang 49th Founding Anniversary sa December 26.
Dagdag pa ni Sison, inirekomenda na rin niya sa National Democratic Front o NDF ang nasabing ceasefire order.
Kasalukuyan na aniyang ipinoproseso ng central committee ng CPP ang draft ng nabanggit na kautusan.
Matatandaang una nang nagpatupad si Pangulong Rodrigo Duterte ng unilateral ceasefire laban sa mga rebelde mula alas-6:00 ng gabi ng December 23 hanggang alas-6:00 ng gabi ng December 26.
Ngunit ilang araw itong mawawala at babalik pagsapit ng alas-6:00 ng gabi ng December 30 hanggang alas-6:00 ng gabi ng January 2.
—-