Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) na kikilalanin nila ang karapatan ng bawat Pilipino na tumakbo sa kahit anong posisyon sa eleksyon.
Sinabi ito sa DWIZ ni COMELEC Chairman Andres Bautista matapos umabot sa 22 ang naghain ng certificate of candidacy para sa pagka-Pangulo sa unang araw pa lamang ng paghahain ng COC.
Ayon kay Bautista, agad nilang sisimulan sa kanilang en banc meeting ang pagbusisi sa mga COC’s upang mai-ayon ang mga ito sa mga nauna nang COMELEC resolutions kaugnay ng nuisance candidates at sa mga naunang desisyon ng Korte Suprema.
Kabilang sa mga tinitignan sa isang kandidato upang hindi madeklarang nuisance candidate ay ang kanyang kakayahang mangampanya sa buong kapuluan kung tatakbong national candidate.
“Ang kailangan naming gawin siguro ay ibalanse, you know on the one hand , ang bawat Pilipino ay may karapatang tumakbo at manilbihan sa ating pamahalaan but on the other hand, hindi rin natin puwedeng payagan na maging parang kalokohan yung ating halalan in the words of the Supreme Court, mockery of the elections and alam naman natin na ang halalan ay napakahalaga sa isang demokrasya tulad natin, so we have to balance.” Ani Bautista.
Pagsita sa media
Samantala, nagpaliwanag ang Commission on Elections sa ginawang pagsita ni COMELEC Spokesman James Jimenez sa mga miyembro ng media na hindi sumunod sa mga bagong patakaran sa coverage sa filing ng Certificate of Candidacy.
Ayon kay Bautista nais lamang nilang maging mas maayos ang proseso ng paghahain ng COC.
Mayroon naman aniya silang inilaang lugar kung saan puwedeng kapanayamin ang mga kandidato pagkatapos na nilang maghain ng kanilang COC.
Mabilis naman aniya ang paghahain ng COC dahil karamihan sa mga kandidato ay mayroong nang bitbit na kumpletong form ng COC pagdating sa COMELEC office dahil puede na itong ma-download sa COMELEC website.
“Nung pumasok sina VP Binay at Senator Honasan, may ibang mga miyembro lang naman ang media ang sumuway kumbaga lumabas sila at ininterview habang naglalakad at nagkaroon ng konting commotion. Ang sabi ko nga akala ko if ever magkakaproblema kami it will be because of the supporters of the candidates, pero hindi ang nagging problem natin kahapon ay ang ilang miyembro ng media, maybe they were all excited.” Pahayag ni Bautista.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit