Hinimok ng mga Obispo sa Pilipinas ang pamahalaan na panatilihin ang katotohanan at tiyaking mananaig ang hustisya, kasunod ng pag-impeach ng kamara kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Caritas Philippines President Bishop Jose Colin Bagaforo, ang proseso ng impeachment ay isang mahalagang mekanismo sa demokrasya ng bansa upang mapanagot ang sinumang opisyal ng pamahalaan na gagawa ng katiwalian.
Hinikayat din ng Caritas Philippines ang publiko na timbangin ang impeachment laban kay VP Sara nang patas, may integridad, at respeto sa rule of law.
Inanyayahan din ng mga obispo sa bansa ang lahat ng sektor ng lipunan na ipagdasal at makiisa sa pagprotekta sa demokrasya.
Huwag din sana anilang hayaang matakpan ng political divisions ang kapakanan ng bawat Pilipino. - Sa panulat ni John Riz Calata