May naghihintay na regalo o premyo ang mga overseas filipino worker (OFW) na magsasama ng kakilala nilang banyaga pag-uwi ng Pilipinas.
Sa inilunsad na programang “Bisita, be my guest” ng Department of Tourism (DOT), puwedeng makasali sa raffle at may pag-asang manalo ng condominium unit, kotse o travel package ang mga OFW.
Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco, ang programa ay bahagi ng kampanya upang pasiglahin muli ang sektor ng turismo sa bansa na bumabangon mula sa epekto ng covid-19 pandemic.
Sa programa, hihiyakatin ang mga ofw na mag-imbita sa mga kakilala nilang dayuhan na bisitahin ang Pilipinas.
Kung may ma-engganyo, makakasali sila sa raffle promo para sa tiyansang manalo ng condominium unit, kotse o travel package.
Tatanggap naman ang mga bisitang dayuhan ng “travel passport” at privilege card na magagamit upang makakuha sila ng diskwento at regalo mula sa mga partner establishment ng kagawaran.
Para makasali, kailangan lamang mag-login sa website ng “Bisita be my guest” at sundan ang mga panuntunan sa programa.
Katuwang ng (DOT) ang Department of Migrant Workers sa nasabing programa na magtatagal hanggang sa taong 2024.
Batay sa datos ng DOT hanggang kahapon, umabot na sa halos 2.4 million ang tourist arrival sa bansa at target naman 3 hanggang 4 million international tourist arrivals sa susunod na taon.